TEAMMANILA HIT LIST: SALITANG WALANG SALIN

Maganda, malawak at minsan kumplikado, ang wikang Filipino ay naisalin na sa maraming paraan. Mula sa mga pa-deep, pa-tawa, at kahit pa-konyo na salita, hindi natin maitatago ang kahuyasan ng wikang ito. Galing sa mga salitang napagsama-sama at mga salitang may slang, kahit tayong mga Pinoy ay hindi rin mismo maintindihan ang napakalawak na vocabulary ng ating wika.

Kaya kasabay ng Buwan ng Wika, heto ang TeamManila Hit List: Salitang Walang Salin – isang listahan ng mga salitang naiintindihan at ginagamit natin ngunit walang direktang pagsasalin sa wikang Ingles. Nakakalito, nakakatuwa, at nakaka-“whaaat!?” – spotan mo ang aming listahan!

Salitang walang salin_POSTER

1. Gigil
Nakakatuwa? Nakaka-aliw? Ang “gigil” ay madalas nating ginagamit kapag nakakakita tayo ng mga cute na tao (o bagay!), na masarap yakapin o pisilin.

2. Kilig
Kinilig ka sa crush mo, kinilig ka nung binigyan ka ng bulaklak. Pero ano ba talaga ang “kilig” sa Ingles? Hindi eto infatuation, o butterflies in your stomach, o kaya love. Basta, kinilig ka.

3. Tampo
Nakalimutan ni sweetheart ang monthsary niyo … hindi ka galit, pero hindi ka rin masaya, gusto mo lang ng lambing eh kasi nagtatampo ka.

4. Pasalubong
“Meron akong pasalubong galing Isteyts!” Ang pasalubong ay isang regalo na binibigay ng isang tao pagbalik niya galing sa ibang lugar. Isa na itong parte ng ating kultura na ating nang nakasanayan. “Pasalubong ko ha!”

5. Kulit
Paulit-ulit nang paulit-ulit – sobrang kulit! Minsan nakaka-irita at minsan nakakatuwa, hindi pa rin talaga namin maisip kung ano sa Ingles ang salitang “kulit.” Ang kulit!

6. Alimpungatan
Kapag palalim na ang tulog mo at bigla kang nagising, aba, na-alimpungatan ka. Hindi ito nap, hindi rin ito snooze, pero siguradong alam mo kapag nangyari ito sa’yo.

7. Lambing
Kung tulad namin na akala mo ay affectionate ang Ingles ng lambing, eh nagkakamali ka. Isang matamis na salita na nagsasabing naghahanap ka ng pansin na may halong pagmamahal, iyon ang lambing.

8. Basta
Ano ba kasi talaga ang ingles ng basta? Basta! Lagi natin etong sinasabi kapag hindi tayo sigurado at gusto nalang nating mag-go with the flow para matapos na.

“Bakit ka ba kasi naiinis?” “Eh, basta!”

9. Bitin
“Ang sarap ng ulam kaya lang bitin ‘yung kanin eh!”Kapag gusto mo pa pero wala ka nang makuha, siguradong bitin ka. Madalas natin itong ginagamit sa pagkain, sa haba ng tulog, o kaya kapag nanunuod ng soap opera.

10. Baduy
“Ano ba ‘yan, ang baduy naman ng suot mo.” Hindi naman eto pangit pero hindi mo lang talaga type. Masasabing baduy ang isang bagay (o isang tao?) kapag hindi ito sakto sa panlasa mo o kaya’y masakit lang talaga siya sa iyong mga mata.

11. Pambahay
Alam nating lahat na masarap magsuot ng pambahay. Eto ay isang set ng damit na sinusuot lang natin kapag well … tayo’y nasa bahay o kaya ay bibili lang ng softdrinks sa suking tindahan. Walang duda, komportable at masarap ipantulog ang mga damit na eto.

12. Diskarte
“Late dapat ako sa opisina kanina e, pero nagawan ko ng diskarte!” Ang mga da moves na smooth at iwas hamak, ‘yan ang diskarte!

13. Pasma
Kapag naghugas ka ng kamay pagkatapos mo mamalantsa, siguradong mapapasma ka. Ang pasma ay hindi scientifically true pero eto ay napaniwalaan na mula pa noong nineties kopong-kopong. Kaya bago ihalo ang pagod at mainit na katawan sa malamig na tubig, makinig muna kay Lola at baka mapasma ka.

14. Sayang
Natalo ang paborito mong PBA team. Sayang kasi 1 point lang ang lamang ng kalaban. Nanghihinayang ka na nalulungkot dahil sana hindi nalang nangyari ‘yun. Sayang!

15. Lihi
“Nagpapabili ng mangga si darling, naglilihi kasi.” Isang matinding craving pero para lang sa buntis, hindi namin masigurado kung saan galing ang salitang ito. Basta kapag may parating na baby, may naglilihi!

Categories Hitlist